Kalusugan at Kaagapay: Mga Serbisyong Handog ng DOH-CHD CALABARZON sa Laguna, Rizal, at Quezon

by Andrea Mikkaela R. Andres, RND

 

 

Sa patuloy na layunin ng Department of Health – Center for Health Development CALABARZON (DOH-CHD IV-A) na mapalaganap ang kahalagahan ng maagang pagsusuri at pangangalaga sa kalusugan ng ina at sanggol, sunod-sunod na aktibidad ang isinagawa nitong Hulyo at Agosto 2025 sa mga lalawigan ng Laguna, Rizal, at Quezon.
 
Libreng Serbisyong Handog ng NBS Caravan sa Laguna, Rizal, at Quezon

 

 

Sa sama-samang pakikipagtulungan ng DOH-CHD CALABARZON, GMA Kapuso Foundation, at Local Government Units, matagumpay na naisagawa ang tatlong Newborn Screening Caravan sa probinsya ng Laguna, Rizal, at Quezon.

 

Nakapagbigay ng libreng Newborn Screening (NBS) sa kabuuang 131 sanggol mula sa iba’t ibang lugar:

  • 24 na sanggol sa Southern Convention Center, Gumaca Quezon noong Hulyo 10, 2025
  • 50 na sanggol sa Rizal Provincial Hospital System (RPHS), Tanay, Rizal noong Agosto 7, 2025
  • 57 na sanggol sa Pangil Rural Health Unit, Laguna noong Agosto 8, 2025.

Bukod sa newborn screening, isinagawa rin ang postpartum counseling, nutrition counseling, at pneumococcal vaccination para sa mga ina ng sanggol bilang bahagi ng pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa pangangalaga sa kalusugan ng ina at sanggol.
 
Layon ng aktibidad na mapalaganap ang kahalagahan ng maagang pagsusuri sa kalusugan ng mga sanggol upang masiguro ang kanilang malusog na kinabukasan.
 
Pinagbuklod ng Misyon: DOH-CHD IV-A, NBSCC, at QMC Nakipagbalikatan sa mga Pasyente at Pamilya sa Thalassemia Forum sa Quezon Medical Center

 

 

Bilang tugon sa layunin na mas mapalalim ang kaalaman at masigurong may sapat na suporta ang mga pasyente at kanilang pamilya, idinaos ang Thalassemia Forum noong Agosto 28, 2025 sa ikatlong palapag ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) Building. Dumalo rito ang 17 pasyente na nagpositibo sa Newborn Screening para sa Hemoglobinopathies.
 
Nagbahagi ng mahahalagang impormasyon si Dra. Aimee Ausa, Pediatric Hematologist, hinggil sa sakit na Thalassemia – mula sa uri nito, sintomas, hanggang sa mga hakbang sa wastong pamamahala. Pagkatapos ng sesyon, isinagawa rin ang libreng konsultasyon at pamamahagi ng folic acid para sa mga pasyente.
 
Kasama sa mga dumalo at naging bahagi rin ng programa sina Dr. Augustina M. Cabangon, Head ng Department of Pediatrics; Dr. Kristin Mae-Jean M. Villaseñor, Provincial Health Officer II ng IPHO; Dr. Josephine Leiya Marie F. Salud-Masanga, Head ng Newborn Screening Continuity Clinic (NBSCC) Follow-up; Ms. Jhoanna G. Reyes, Project Development Officer ng DOH-Center for Health Development (DOH-CHD); at iba pang staff ng mga nasabing ahensya.
 
Ang taunang forum na ito ay bunga ng pagtutulungan ng DOH-CHD IV-A at Newborn Screening Continuity Clinic, isang paalala na hindi natitinag ang ating misyon na maghatid ng kaalaman, paggabay, at pag-asa sa mga pasyente at pamilya. Nananatili tayong tapat sa pagbibigay ng dekalidad at makataong paghilom para sa bawat Quezonian.
 
ENBS Training – Quezon Medical Center
August 29, 2025

 

 

Upang makapagbigay ng dekalidad na serbisyo ang mga health care workers sa mamamayang Quezonian, kinakailangan nila ng malawak at malalim na pagsasanay sa kanilang propesyon. Dahil dito, isinagawa ang Expanded Newborn Screening Training sa Quezon Provincial Hospital Network – Quezon Medical Center (QPHN-QMC), Lucena City.
 
Dinaluhan ang programa ng dalawampu’t limang (25) trainee na nagmula sa mga Quezon Provincial Hospital Network at Rural Health Unit na sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay. Simula Agosto 28 ay nag-seminar sila patungkol sa tama at wastong paghawak at pakuha ng dugo sa talampakan ng sanggol na ginanap sa St. Jude Coop Hotel and Event Center, Tayabas City. Kaugnay nito ay isinagawa nila ang Heel Prick Practicum sa 19 na bagong silang na sanggol.
 
Sa pangungunga ni Governor Doktora Helen Tan, katuwang si Provincial Health Office Head na si Dr. Kristin Mea-Jean Villaseñor, matagumpay na naisagawa ang dalawang araw na pagsasanay ng mga social health worker.
 
Samantala, patuloy na susuportahan ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga social health worker sa buong lalawigang ng Quezon upang makapagbigay ng dekalidad na serbisyong medikal sa mga Quezonian.